Tradisyunal na Panggagamot sa Pilipinas

Bago pa dumating ang mga dayuhan, mayroon nang sariling paraan ng pagpapagaling ang mga ninuno natin. Ang tawag sa kanila noon ay babaylan. Hindi lang sila manggagamot, kundi sila rin ang spiritual leader at tagapamagitan sa pagitan ng tao at ng mundo ng mga espiritu.

Habang lumilipas ang panahon, nagbago ang anyo ng panggagamot sa Pilipinas. Dumating ang mga albularyo, manghihilot, medico, at faith healers na kinikilalang tagapagpatuloy ng kaalaman ng mga babaylan sa iba’t ibang komunidad. Kahit may mga ospital at modernong doktor, marami pa ring Pilipino ang bumabalik sa traditional healing dahil sa tiwala sa bisa nito.

Albularyo

Sa mga probinsya, madalas na ang albularyo ang unang nilalapitan kapag may karamdaman. Para silang general practitioner ng traditional medicine. Gumagamit sila ng halamang gamot, dasal, orasyon, at ritwal para magpagaling. Marami ang nagmana ng kakayahan mula sa kanilang pamilya. Pinaniniwalaang ang kanilang kapangyarihan ay nagmumula sa Espiritu Santo o sa iba pang espirituwal na gabay.

Manghihilot

May dalawang uri ng hilot sa traditional healing:

  • Magpapaanak – Tumatanggap sila ng mga buntis na walang access sa mga ospital. Marunong sila sa mga halamang gamot para sa prenatal at postnatal care.
  • Hilot sa katawan – Nakatutulong sa mga may pilay, lamig, o pananakit ng katawan. Madalas silang gumagamit ng langis ng niyog at mga dahon habang minamasahe ang katawan ng pasyente.

Medico

Ang medico ay pinagsamang tradisyonal at modernong manggagamot. Bukod sa orasyon at halamang gamot, minsan ay gumagamit sila ng gamot mula sa botika, acupuncture, o injection, depende sa pangangailangan ng pasyente.

Mangluluop

Sa ritwal ng luop, pinagsasama ang kalanghuga (uri ng kabibe), asin, benditang palaspas, uling, at tingting sa isang lata. Pagkatapos pausukan ang pasyente, tinitingnan ang anyo ng kalanghuga para malaman kung anong karamdaman ang naroon o kung may espirituwal na dahilan ang sakit.

Magtatawas

Ginagamit ang tawas upang matukoy ang pinagmulan ng sakit. Karaniwang sinusunog ito sa kandila o nilalagay sa tubig, pagkatapos ay binabasa ang hugis na nabubuo. Mula sa hugis, tinutukoy kung ano ang sanhi ng sakit.

Manghihila

Gumagamit ng langis ng niyog, tela, at minsan ay dahon ng saging upang makita kung may pilay o lamig sa katawan. Kapag dumikit ang dahon sa balat at mahirap hilahin, senyales ito na may bara o problema sa bahaging iyon. Pagkatapos, minamasahe ito upang maibsan ang sakit.

Faith Healers

Ang mga faith healer ay naniniwala na may spiritual gift sila para magpagaling ng iba. Iba ang paraan nila ng panggagamot:

  • Psychic healers – Sinasabing kaya nilang gamutin ang isang tao kahit nasa malayong lugar ito.
  • Whisperers of prayers – Nagdarasal habang binubulungan ang masakit na bahagi ng katawan.
  • Prayer blowers – Iniihipan ang pasyente habang nagdarasal.
  • Anointers – Pinapahiran nila ng laway ang masakit na bahagi ng katawan.
  • Gumagamit ng krus o imahen – Ipinapahid o inilalapit nila ang krus o imahen sa katawan ng pasyente bilang panlunas.
  • Psychic surgeons – Pinaniniwalaang kayang operahan ang pasyente gamit lamang ang kanilang mga kamay, walang surgical tools.

Hanggang ngayon, buhay pa rin ang traditional healing sa Pilipinas. Hindi lang ito dahil sa kakulangan sa access sa ospital, kundi dahil naniniwala pa rin ang marami sa galing at karunungang nagmula sa ating mga ninuno.

Leave a Comment