Naranasan mo na bang managinip ng isang bagay, tapos makalipas ang ilang araw, may nangyari sa totoong buhay na parang may kaugnayan dito? Napaisip ka rin ba kung may ibig sabihin ang panaginip mo?
Sa kulturang Pilipino, marami tayong paniniwala tungkol sa panaginip. Halimbawa, kapag nanaginip ka ng patay, sinasabing may darating na pera. Ang natanggal na ngipin ay itinuturing na malas, habang ang dumi ay iniuugnay sa suwerte at pera. Pero saan nga ba nanggaling ang mga kahulugang ito? Hanggang saan natin dapat pagkatiwalaan ang mga ito?
Noong bata ako, napanaginipan kong nanghuhuli ako ng isda. Pagkatapos noon, binigyan ako ng pera ng tita ko. Napansin ko rin na tuwing nananaginip ako ng isda, may dumarating na biyaya. Nang magbasa ako tungkol sa mga panaginip, nalaman ko na iniuugnay pala ang isda sa suwerte at pera.
Dahil dito, naisip ko na maaaring magsilbing gabay ang mga kahulugang nababasa natin sa mga libro at sa internet. Pero may isang karanasan ako na nagpatunay sa akin na hindi lahat ng panaginip ay kayang ipaliwanag ng mga nakasanayang interpretasyon.
Hindi ko malilimutan ang panaginip ko tungkol sa tatay ko. Bago siya pumanaw, napanaginipan kong nasa sementeryo ako. Madilim at umuulan noon. May hukay sa harap ko, at nakatayo ang tatay ko sa paanan nito, malungkot na nakatingin sa akin. Pagkalipas ng dalawang linggo, pumanaw siya.
Kung ibabase ko lang sa mga karaniwang kahulugan ng panaginip sa internet, baka inisip kong magkakapera ako. Pero literal pala ang ibig sabihin nito — na mamamatay ang tatay ko.
Bilang panganay sa aming magkakapatid, naisip ko na baka iyon ang paraan ng aking mga espirituwal na gabay upang ihanda ako sa pagkamatay niya. Naging wake-up call sa akin ang panaginip na iyon. Noong panahong iyon, nagrerebelde ako at hindi seryoso sa buhay. Dahil dito, napaisip ako sa direksiyong tinatahak ko at sa mga pagbabagong kailangan kong gawin sa sarili ko.
Para sa akin, may silbi pa rin ang mga nakasanayang interpretasyon bilang panimulang gabay. Nabuo ang mga ito mula sa mga paniniwalang naipasa sa maraming henerasyon (collective consciousness). Pero hindi ibig sabihin na pare-pareho ang kahulugan ng isang panaginip para sa lahat. Kaya mahalagang alamin kung paano ito nauugnay sa sarili mong mga karanasan.
Kung gusto mo ring mas maunawaan ang mga panaginip mo, subukan mong mag-journal. Isulat ang panaginip mo pagkatapos mong magising at balikan ito kapag may mga bagong nangyari sa buhay mo. Ihambing ang mga ito at tingnan kung may kaugnayan ang panaginip sa mga sumunod na pangyayari. Habang ginagawa mo ito, mas maiintindihan mo ang kahulugan ng mga panaginip mo.


Leave a Comment