Kapag narinig mo ang salitang “gayuma,” ano agad ang naiisip mo? Malamang, isang love potion na gawa sa iba’t ibang halaman at ugat na hinahalo sa pagkain o inumin ng taong gusto mong gayumahin. Pero alam mo bang hindi lang ganitong uri ng gayuma ang mayroon? May iba’t ibang paraan ng paggawa ng gayuma, depende sa layunin at sitwasyon ng taong gagamit nito.
Dahil dito, hindi nakapagtataka na napakaraming ritwal ang kumakalat sa internet ngayon. Sa isang search lang, makakakita ka na ng iba’t ibang recipe at mga instruction. Pero sigurado ka bang alam ng mga nagpo-post ang sinasabi nila, o baka view lang ang habol nila?
As a babaylan, gusto kong itama ang ilang maling paniniwala tungkol dito. May mga kliyente akong sumubok ng DIY love spells na nakuha nila online. Pero sa halip na bumalik sa kanila ang ex nila, sila pa ang naging sobrang attached at habol nang habol sa taong iyon.
Ibig sabihin, hindi lahat ng ritwal na nakikita mo online ay babagay sa sitwasyon mo. Minsan, mali ang paraan o hindi nasunod nang tama ang proseso. Hindi pwedeng basta gayahin ang isang ritwal at umasa na pareho ang magiging resulta para sa lahat. Dapat isaalang-alang ang sitwasyon at pangangailangan ng gagawa nito.
Ganoon din sa pagpili ng mga sangkap. Hindi ibig sabihin na dahil ginagamit ang isang bagay sa isang love spell, gagamitin mo na rin ito. Halimbawa, may nakita akong post na gumagamit ng bawang sa gayuma. Pero kung gusto mong akitin ang isang tao, bakit bawang ang gagamitin mo kung matapang ang amoy nito?
May sinusunod kasing prinsipyo sa magic na tinatawag na sympathetic magic. Ibig sabihin, dapat tugma ang mga ginagamit mo sa gusto mong mangyari. Kung gusto mong mapalapit sa iyo ang isang tao, mas mainam na gumamit ng mga sangkap na sumisimbolo ng pag-ibig, tulad ng rosas at iba pang mabangong bulaklak.
Kung gusto mo talagang matuto tungkol sa mga sangkap ng gayuma, magbasa ka ng mga libro mula sa mapagkakatiwalaang author kaysa umasa lang sa mga video sa TikTok, YouTube, o Facebook. Hindi lahat ng nagbabahagi ng ganitong content ay may sapat na kaalaman sa panggagayuma.
Bukod sa pagpili ng mga sangkap, kailangan mo ring alamin kung dapat pa bang idaan sa ritwal ang gusto mong mangyari. Kaya mahalaga ang psychic reading bago magpagawa ng gayuma. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung may dahilan pa bang ituloy ang petisyon mo o kung mas mabuting mag-move on na lang. Hindi lahat ng gusto natin ay dapat ipilit, at hindi lahat ng sitwasyon ay nangangailangan ng gayuma.
Ikaw, nasubukan mo na bang gumawa ng gayuma gamit ang mga recipe o ritwal na nakita mo online? Ano ang naging epekto nito sa iyo?


Leave a Comment