Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas at sa Makabagong Panahon

Pinagmulan ng Katawagan

Sinasabing nagmula ang salitang babaylan sa mga salitang Classical Malay tulad ng belian, balian, o waylan na ang ibig sabihin ay “spirit medium.” Sa Kinaray-a ng Antique at sa ilang bayan sa Iloilo, ginagamit ang mga salitang “bayi” at “baylan”. Karaniwan, ang “bayi” ay tumutukoy sa isang nakatatandang babae.

Mga Ritwal at Gawain ng Babaylan

Ang babaylan ay kilala bilang tagapamagitan ng tao at ng mga diwata, manggagamot ng katawan at kaluluwa, at tagapayo ng datu pagdating sa relihiyon, medisina, at mga pangyayari sa kalikasan.

Sa mga sinaunang paniniwala, ang espiritu ang pumipili kung sino ang magiging babaylan. Kadalasan, ito ay nagpapakita sa panaginip, pangitain, o sa kakaibang karamdaman.

Isa sa mga ritwal na ginagawa nila ay ang batak dungan. Sa ritwal na ito, nakikipag-ugnayan sila sa mga ninuno at espiritu ng kalikasan upang maibalik ang dungan, o kaluluwa ng tao, na maaaring nakawin o paglaruan ng masasamang espiritu. Kapag nawala ang dungan, nagiging mahina at sakitin ang tao.

Isinasagawa rin nila ang maganito, isang seremonya na may kasamang panalangin, awit, sayaw, at handaan para sa mga anito. Karaniwan, may alay na kinatay na baboy. Ayon kay Pigafetta, nakita niyang sumasayaw ang mga tao paikot sa baboy habang isinasagawa ang ritwal. Ang mga anito, na mga kaluluwa ng yumao, diwata, at espiritu ng kalikasan, ay nagsisilbing tulay upang maiparating ang mga panalangin at kahilingan sa Bathala. Maaaring ito ay para sa masaganang ani, paggaling mula sa karamdaman, kasal, panganganak, o maging sa unang regla.

Bagama’t karamihan sa mga babaylan ay babae, may mga lalaking tumanggap din ng tungkulin bilang asog, mga lalaking nagbibihis at kumikilos na parang babae upang makapagsagawa ng ritwal. Sa paglipas ng panahon, may mga lalaking babaylan na hindi na tinatawag na asog ngunit patuloy pa ring nagbibihis babae tuwing sila ay nagriritwal.

Noong ika-19 na siglo, nakilala si Estrella Bangotbanwa, na tinawag na Tagsagod kang Kalibutan o Caretaker of the World. Pinaniniwalaan na siya ang nakapagpatigil sa tatlong taong tagtuyot sa Miag-ao at San Joaquin, Iloilo sa pamamagitan ng kanyang ritwal ng pagtawag ng ulan. Hanggang ngayon, binabanggit pa rin ang kanyang pangalan sa ilang seremonya.

Babaylan Laban sa Pananakop

Mula ika-16 na siglo hanggang sa unang bahagi ng ika-20 siglo, nayanig ang Panay sa mga pag-aaklas na pinamunuan ng mga babaylan laban sa mga misyonerong Espanyol. May mga prayle na nilason o pinaslang gamit ang sibat, at ang mga bayan ng Lambunao at Tubungan sa Iloilo, pati na rin sa Antique, ay nagsilbing mga kuta ng kilusan.

Kasabay ng paglaganap ng Katolisismo, nagsimula ang marahas na pag-uusig sa mga babaylan at sa kanilang mga tagasunod. Kinumpiska at sinunog ng mga Espanyol ang kanilang mga idolo upang burahin ang katutubong pananampalataya. Gayunpaman, nanatili ang bakas ng lumang relihiyon at patuloy itong naging tinik sa paningin ng mga mananakop.

Pinasama ng mga Espanyol ang imahe ng mga babaylan. Tinawag nila silang mga mangkukulam at mga tagapaglingkod ng demonyo. Pinalabas na panlilinlang ang kanilang mga ritwal, kaya itinuring silang kaaway ng simbahan.

Ang Babaylan sa Makabagong Panahon

Noon, pinipili ng mga espiritu ang isang babaylan sa pamamagitan ng hindi maipaliwanag na karamdaman, mga pangitain, o panaginip. Ngayon, hindi na ganoon ang proseso. Kung pakiramdam mo ay tinatawag kang maging babaylan, maaari kang maghanap ng isang babaylan na handang magtupad o mag-initiate sa iyo. Tulad ng naranasan ko, dumaan ako sa ganitong ritwal kung saan nag-alay ng hayop para ikapit sa akin ang aking mga abyan na gagabay sa akin bilang babaylan.

Hindi na rin tulad noon na kailangang magbihis-babae ang mga lalaki tuwing may ritwal. Sa karanasan ko, hindi ko na ito naranasan, pero maaaring may ilan pa ring gumagawa nito sa ibang lugar.

Ipinapakita nito na nananatili pa rin ang tradisyon. Pareho pa rin ang layunin at tungkulin; nagbabago lang ang pamamaraan depende sa gabay ng mga espiritu at sa personal na ugnayan ng babaylan sa kanila.

Mga Sanggunian

  • Maria Milagros Geremia-Lachica — Panay’s Babaylan: The Male Takeover
  • James Loreto C. Piscos — Demonization and Sanctification of Indigenous Feminine Roles in the 16th Century Philippines
  • Z.A. Salazar — Ang Babaylan Sa Kasaysayan ng Pilipinas

Response

  1. […] mayroon nang sariling paraan ng pagpapagaling ang mga ninuno natin. Ang tawag sa kanila noon ay babaylan. Hindi lang sila manggagamot, kundi sila rin ang spiritual leader at tagapamagitan sa pagitan ng […]

Leave a Reply

Discover more from Babaylan Tata Adlaw

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading