About

Ang aking unang matagumpay na ritwal ng panggagamot bilang Babaylan.

Ako si Tata Adlaw, isang Babaylan at Reiki Master. Isa rin akong tarot reader, astrologer, numerologist, at palm reader. Bata pa lang ako, nagsimula na ang spiritual journey ko. Pitong taong gulang ako nang una akong magkaroon ng vision. Madaling-araw noon, pauwi kami sa Maynila mula sa Bicol. Bigla kong naramdaman na mababangga ang bus na sinasakyan namin. Totoo nga, nabangga kami at muntik nang mahulog sa bangin.

Nangyari ulit ito noong high school ako. Pauwi kami ng kapatid ko mula Quezon City papuntang Cavite, at bigla kong nakita sa vision na tatama ang ulo ko sa windshield ng jeep. Hindi ko pinansin ang kutob ko at umupo pa rin ako sa harap. Pagdating sa malapit sa bababaan namin, sumalpok ang jeep sa poste ng ilaw dahil umiwas ang driver sa minibus na nag-overtake. Tulad ng nakita ko, tumama ang ulo ko sa windshield at nagkaroon ako ng maliit na gasgas. Dahil dito, mas naniwala ako na may kakaiba akong kakayahan.

Noong high school, nagsimula akong mag-ipon ng mga newspaper clippings tungkol sa esoteric arts dahil wala pang internet noon. Nakakagulat na parang kusa lang dumarating ang mga bagay na kailangan ko. Halimbawa, may kaklase akong nagbigay ng oracle cards at isa pa na nagpahiram ng spell book. Dahil wala pa akong gabay noon, may mga ritwal akong nagawa na hindi maganda ang naging resulta at nagdulot ng kamalasan sa pamilya namin. Sa tulong ng mentor ko, natutunan kong gamitin nang tama ang aking kaalaman at kakayahan para sa sarili kong pag-unlad at para gumaan din ang buhay namin.

Lumaki akong nakikita ang lola ko na nangagamot sa kanilang lugar noon. Tanda ko pa na ginagaya ko ang lola ko sa pagpapausok ng insenso at kamangyan tuwing Biyernes para magtaboy ng masasamang espiritu. Nang pumanaw ang lola ko, ako naman ang nagsimulang manggamot sa aming lugar nang walang bayad. Kalaunan, na-initiate ako bilang Babaylan at nakatanggap ng Reiki attunements hanggang sa maging Reiki Master.

Dahil mahilig akong matuto ng bagong kaalaman, pinag-aralan ko ang iba’t ibang paraan ng pagtatagna tulad ng palmistry, astrology, at numerology. Malaki ang naitulong nito sa akin dahil dito ko unti-unting natutupad ang mga pangarap ko para sa sarili ko at sa pamilya ko. Marami rin akong pagkakamaling nagawa noon, pero nakabangon ako dahil sa mga aral at karunungang natutunan ko sa bawat pagbabasa na ginagawa ko.

Nakita ko ang positibong epekto nito sa buhay namin. Unti-unti kong naibibigay sa pamilya ko ang komportableng buhay na kailangan nila sa tulong ng trabahong nagbigay sa akin ng maayos na kita, ang digital marketing. Kahit wala akong pormal na educational background noon, nakuha ko ang trabahong ito sa tulong ng pagtatagna at mga ritwal na ginawa ko para alisin ang mga balakid sa aking landas. Dahil din dito at sa patnubay ng Lumikha, nakabalik ako sa pag-aaral at malapit ko nang matapos ang kursong BS Pharmacy. Bukod sa kaalaman ko sa spiritual healing, gusto ko ring gamitin ang siyensya sa pagpapagaling ng sakit.