
Marami sa atin ang naniniwalang may likas na kakayahang espirituwal, pero hindi lahat ay natutuklasan o nahahasa ang mga ito. Minsan, dahil sa takot o mga paniniwalang kinalakihan natin, pinipili nating huwag pansinin ang bahaging ito ng ating sarili.
Sa artikulong ito, ibabahagi ko kung paano ko natuklasan at hinasa ang sarili kong kakayahan. Sana makatulong ito sa mga gustong mas makilala ang kanilang sarili at tahakin ang kanilang espirituwal na paglalakbay.
1. Mag-aral at Magsaliksik
Noong una, takot na takot ako. Mahigpit ang tatay ko at sinasabi niyang gawa raw ng demonyo ang mga ganitong kakayahan. Aktibo rin ako noon sa simbahan, kaya inisip kong mali ang mga ito.
Pero nakita ko kung paano gumagamit ng mga ritwal sa pagpapagaling ang lola ko. Siya ang gumagamot sa amin kapag may sakit kami. Doon ako nagsimulang mag-isip na baka hindi naman masama ang mga ganitong gawain, lalo na kung ginagamit para makatulong sa iba.
Nagkaroon din ako ng mga panaginip at vision na kalaunan ay tila nagkatotoo. Isa na rito ay ang muntik nang mahulog sa bangin ang bus na sinasakyan namin noong pauwi kami mula sa Bicol papuntang Manila. Malaki ang naging epekto nito sa akin.
Sa halip na magpadala sa takot, sinubukan kong unawain ang mga karanasan ko. Dahil dito, nagsimula akong maghanap ng impormasyon, magsulat tungkol sa mga nangyayari sa akin, at magbasa tungkol sa mga paniniwalang kaugnay nito. Habang dumarami ang natututuhan ko, mas nagiging bukas ako sa pag-unawa sa mga karanasang ito.
2. Alamin ang Layunin Mo
Noong bata pa ako, mahirap ang buhay namin. Walang permanenteng trabaho ang tatay ko at may sakit naman ang nanay ko.
Naisip ko na kung matututo akong gumamit ng mga divination tool, makakatulong ito sa akin at sa pamilya ko. Gusto kong gumaling si Mama at mabigyan ng mas magandang buhay ang pamilya namin.
Dahil dito, sinabi ko sa sarili ko na gagamitin ko ang mga natututuhan ko para sa pag-unlad at upang makatulong sa pamilya. Para sa akin, hindi ito basta libangan. May layunin akong gustong maabot.
3. Isabuhay ang mga Natutuhan Mo
Noong high school ako, binigyan ako ng kaklase ko ng oracle cards. Dito ako nagsimulang magpraktis. Halos araw-araw akong bumubunot ng card para humingi ng gabay sa mga desisyon ko.
Kalaunan, pinag-aralan ko rin ang astrology at numerology. Ginamit ko ang mga ito para mas makilala ang sarili ko, makita ang mga kahinaan kong kailangang ayusin, at maunawaan ang mga kalakasan ko.
Sa paglipas ng panahon, nakahanap ako ng trabaho, nakatulong sa pamilya, at nakabalik sa pag-aaral. Nang mas naging maayos ang kalagayan namin, nagsimula na rin akong tumulong sa iba.
Doon ko lalo pang naunawaan ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng kaalaman. Para sa akin, nagkakaroon lang ito ng hindi magandang epekto kapag ginagamit ito sa panloloko, pang-aabuso, o pananakit sa iba.
4. Humanap ng Tamang Gabay
Mahalaga ring magkaroon ng gabay mula sa mga taong may sapat na kaalaman at may mabuting layunin.
Mag-ingat sa mga taong gumagamit ng ganitong kaalaman para sa masasamang layunin. Huwag basta maniwala sa mga sinasabi nila. Tingnan din kung paano sila kumikilos at makitungo sa kapwa.
Pumili ng mga gurong nagbibigay ng makabuluhang payo, gumagalang sa iyong mga pasya, at hindi gumagamit ng takot para mapasunod ka.
Posible Bang May Ganito Ka Ring Kakayahan?
Lahat tayo ay may kanya-kanyang psychic abilities. May mga taong nakakaramdam, nakakakita, o nakakarinig ng presensya, habang ang iba naman ay nakakakita ng mga pangyayari sa hinaharap. Maaaring isa lang ang kakayahan mo o higit pa. Ang mahalaga ay kung paano mo ginagamit ang mga ito para sa sarili mong pag-unlad at upang makatulong sa iba.
Leave a Reply